"Pasko Na Naman
O Kay tulin ng araw
Paskong nagdaan,
Tila ba kung kailan lang..."
Panahon na naman ng kapaskuhan at bukas ng Linggo ay ang
simula ng ating countdown ng “100 days before Christmas”. Sigurado akong ramdam
mo na rin ang kapaskuhan mula pa lamang sa paggising sa umaga. Ramdam na ang
malamig na simoy ng hangin at maririnig na rin mula sa radyo at tv ang mga
awiting pamasko pati na rin sa iyong pagdaan o pamamasyal sa mga malls.
Nagsimula na rin makita sa mga bangketa at mga pamilihan ang ibat-ibang uri at
makukulay na mga dekorasyong pamasko tulad ng mga parol, christmas lights,
christmas tree, mga Santa Klaus, at marami pang iba. Sa dami ng mga problemang
dumaan nitong mga nakalipas na buwan, di bat kay sayang isipin na malapit na
namn tayong makatanggap ng mga regalo o makapagbakasyon sa isang magandang
lugar kasama ng ating pamilya.
FRANCIS OTIDA. Kahapon habang binabaybay namin ng aking kasama ang daan pauwi ng bahay, narinig ko
ang isang lalaking masayang sumisipol ng awiting “Ang Pasko ay Sumapit” habang
siya ay nagbubuhat ng isang malaking sako ng bigas na kanyang kinarga mula sa
isang delivery truck. Sabi ng aking kasama, “mukhang excited na sya sa
Christmas bonus nya”. Natuwa ako nung marinig ko yun dahil kahit sya ay
nahihirapan sa kanyang trabaho ay hindi nawawala sa kanya ang saya ng
kapaskuhan kahit ito ay malayo pa. Habang dumadaan naman ako sa isang bangketa
ay napansin ko sa dilim ang isang maliit na laruang Santa Klaus na umiilaw-ilaw
at tinanong ko ang nagbebenta kung saan nya binili ang mga ito at sabi nya, napakarami
na raw nito sa Divisoria. Kanina sa paggising ko sa umaga ay nanood ako ng
isang morning show at ibinalita doon na bukas na raw sa publiko ang mga
ibat-ibang pasyalan na ang tema ay kapaskuhan. Isa sa pinakita din ang ang
dancing fountain sa Manila Ocean Park at sa Luneta at ang isang Ice Kingdom.
Nagparinig din sila ng isang awitin na kinanta ng isang choir. Nag demo din
sila kung paano magluto ng isang pagkain na pamasko gamit ang tuna.
JAYDEE MODINA. Ramdam ko na ang malamig na simoy ng hangin. Nakatira lang ako malapit sa kalyeng ito na kahelera ng daan papuntang Greenhills Shopping Center. Napadaan kami dito kanina bago dumiretso ng bahay galing sa ospital. Hindi nawawalan ng tindahan ng mga parol dito. Kahit hindi pa Pasko, hindi nawawala ang mga tindahan. Maaaring kaunti lamang sila pero hinding-hindi nawawala. Kanina nng kami ay napadaan, napansin ko na dumami na ang mga tindahan at ang liwanag na muli ng mga daan. Napagtanto ko na, simula na pala ng "ber" months, hudyat na ng parating na kapaskuhan. Nakakaaliw tingnan ang mga nagagandahang ilaw na animo'y nangbibighani ng mga dumaraan. "Pasko na naman, anong plano mo?", sambit ng aking kapatid ngunit wala akong naisagot sa kanya, ngumiti lamang ako at muling tumingin sa labas ng sasakyan. Tanong ko naman sa aking sarili habang nagmamasid sa dinaraanang kalye, "ano nga bang plano ko ngayong pasko?"
Isang malaking pagdiriwang talaga ang Pasko sa Pilipinas at isa
itong malaking bahagi ng ating kultura at pagiging Kristyanong bansa na ating
maipagmamalaki sa buong mundo. Maipagmamalaki mong isa kang Pilipino dahil ang
pagdiriwang ng Pasko sa ating bansa ay sadyang namumukod-tangi at walang
kapantay ang saya. Isa rin ito sa mga bagay na maipagpapasalamat natin sa
Maykapal dahil ang Pasko ay isang malaking regalo para sa lahat ng mga Pilipino
dahil sa pamamagitan ng likas na kabutihang naidudulot ng diwa nito, malaking
pagbabago ang makikita sa ugali ng karamihan. Sabi nga sa isang awiting
pamasko, “Ang pag-ibig naghahari.”
Ang
Pilipinas ang may pinakamahabang panahon ng pagdiriwang ng pasko at isa rin ito
sa pinakamasaya sa buong mundo. Ika nga sa isang kanta, “Iba talaga ang pasko
sa Pinas”. Sa ating pagbibilang ng 100 days before Christmas, wag nating
kalimutan na ang oras ay mabilis lamang lumipas at
kailangan nating gawing masaya at kapaki-pakinabang ang bawat oras na ito
kasama ng ating mga mahal sa buhay at sa pamamagitan ng pagtulong sa ibang
nangangailangan.
Isang maagang Pasko para sa ating lahat! J